Wednesday, April 25, 2012

Welcome to the Land of Kasanggayahan!





Walong taon mula nang iwan ko ang Sorsogon City upang mag-aral sa Laguna, muling nanariwa sa alaala ko ang saya ng aking kabataan habang binabaybay ko ang tinatawag naming “centro”. ‘Yun ang tawag namin sa bayan dahil doon nakatayo ang mga pangunahing gusali at pamilihan.

‘Di tulad ng dati, marami nang pagbabago ang lugar na kinamulatan ko. Marami nang gusaling nadagdag. Naaalala ko noon na araw-araw kong binabagtas ang mahabang daang iyon pagkatapos ng klase kasama ang makukulit kong kamag-aral sa high school. ‘Di ko makakalimutan ang mga hapong dumadaan kami sa fishbolan. Fishball sabay may panulak na palamig sa Calle Nueva. Pag nabanggit mo ang lugar na ito, dalawa lang ang papasok sa utak mo; fishball at halo-halo.

Sa Sorsogon matatagpuan ang mga magagandang beach resorts. Ang walang kamatayang Bacon Beach, Rizal Beach at Liang Beach sa Sta. Magdalena. Sa Sorsogon mo din matatagpuan ang Butanding o whale shark. Doon ay nakakadaupang palad mo ang mga higanteng nilalang ng karagatan.

Bukod sa maaanghang na putahe tulad ng Bicol Express ay sikat din ang siyudad na ito sa mga Pili products. Isa sa mga pinakasikat na bilihan dito ay ang Tia Berning’s.

Bukod sa magagandang tanawin at masasarap na pagkain, siyempre mapapalagpas mo ba ang mga nag-gagandahang binibini ng Sorsogon? Kapag nakita mo ang mga nag-gagandahan dilag ng siyudad na ito ay masasabi mong “It’s More Fun in Sorsogon!”

Kung hindi mo naitatanong eh sikat din ang lugar na ito dahil sa taunang festivals nito gaya ng “Kasanggayahan” at “Pili Festival”. Masaya pag may mga okasyong ganito dahil maraming kaganapan tulad ng battle of the bands at kung anu-ano pang pakulo.

Pag pumunta ka ng Sorsogon wag na wag mong kakalimutang dumaan ng Pao-Pao noodle house at sa Jane’s fastfood. Walang tatalo sa lomi ng Pao-Pao at sa pansit ng Jane’s. Kung turista ka, sa Fernando’s Hotel ka tumuloy o di naman kaya’y sa Villa Isabel. Tapos kain ka din sa bagong kainan sa Sorsogon ang Una Pizzeria. Wala akong masabi sa pasta, pang-export!haha

Hindi mo rin dapat palampasin ang tumambay sa Pier. Maganda na ang Peir ngayon hindi na tulad ng dati na parang lagusan papuntang kweba ni dugong sa sobrang dilim. Dati ito ang tagpuan ng mga magsing-irog. Ngayon, ganun pa din!

Papuntang timog ng Sorsogon City, matatagpuan ang Casiguran. Hindi ako masyado pamilyar sa Casiguran pero may isang cold sping doon na sobrang lamig ng tubig na may isang bahagi na pwede ka kumuha ng malinis na maiinom na tubig. Urok ata ang tawag nila sa lugar na ‘yun. Kailangan pa maglakad pataas para makarating sa Urok. Hindi kasi kaya ng jeep ang matarik na bahagi ng bundok.

Ilang kilometro lang galing ng Casiguran ay matatagpuan ang maliit na bayan ng Juban. Dito nagmula ang mga magulang ko. Dito sila nagligawan at nagkatuluyan. Pambihira nga ang kanilang love story kasi umabot ng ilang taon silang magkasintahan bago nagpakasal. Sa Juban din ako nagkaroon ng mga kaibigan na hanggang ngayon ay kapatid ang turing ko. May maliit na bahay ang lola ko noon sa lugar na ‘yon at tuwing may pagkakataon ay doon ako. Napapabalita dati na marami daw aswang sa bayan ng Juban. ‘Yun ang panakot sa amin ng matatanda pag gabi na naglalaro pa kami sa labas ng bahay. Sabi nga nila dati ‘yung katiwala daw ng lolo ko eh isang aswang. Paning ang pangalan niya. Baka naman chismis lang ‘yun.

Pero totoo daw ang mga aswang. Marami kasing mga kapitbahay namin dati ang nawawalan ng asawa matapos mag-broad ‘yung isa. Haha!

Ang susunod na bayan ay ang Irosin. Malalaman mo pag Irosin na kasi makakakita ka ng malaking rebulto, hindi ng bayani o santo, kundi ng isang malaking manok na panabong! Wag niyo na itanong sa akin kung bakit.

Ang simbahan sa Irosin ay paakyat. Hihikain ka muna bago mo marating ang simbahan. Kung matanda kana ay doon ka na malalagutan ng hininga sa sobrang taas ng kinalalagyan ng simbahan. Pero pwera biro maganda ang lugar. Tahimik at masarap ang simoy ng hangin. Masaya doon kapag fiesta. Setyembre ang kapistahan doon. Sobrang dami ng tao at makulay ang parada. Nagtitingkaran din ang ilaw sa plaza sa gabi. Sabayan pa ng tugtugan ng mga banda, wala ka nang hahanapin pa.

Kung gusto mo pang bumiyahe, sasakay ka lang ng jeep at mararating mo na ang bayan ng Bulan. Ang translation ng Bulan sa tagalog ay Buwan. Sa Bulan matatagpuan mo ang pinakamasasarap na isda. Mura pa! May mga kamag-anak kami sa Bulan at tuwing anibersaryo ng kamatayan ng isa kong malayong lolo ay nagpupunta kami doon noong nabubuhay pa ang nanay at lola ko. May isa akong nakainan sa Bulan noon na sobrang sarap ng halo-halo. ‘Yun talaga ang tunay na halo-halo sa sobrang dami ng halo. Kulang na lang fruit cocktail eh fruit salad na.

Ang susunod na bayan ay ang Matnog. Dito naman matatagpuan ang daungan ng mga barko na tutungo ng Visayas region. Minsan lang akong nakapunta sa lugar na ito. Papunta kasi kami noon ng Tacloban kaya doon ang daan kasi mula roon ay tatawid ka ng dagat. Medyo malayo na ang lugar na ito. Naaalala ko nga ang kwento ng lola ko noon. Linggo noon at namalengke ang kaibigan ng lola ko. Sa sobrang antok ay nakatulog siya sa jeep. Nang magising siya ay naisakay na ang jeep sa barko patungong Visayas. Haha! Moral Lesson: Wag na wag matutulog sa jeep.

May isa pang bayan sa Sorsogon na kung tawagin ay Gubat. Okay hindi ganoon ang pagbasa noon. Ganito, gu-bat’. Dito mo matatagpuan ang Rizal Beach. Hindi rin ako masyado familiar sa lugar na ito dahil minsan lang din ako nakapunta dito. Mahirap lang kasi ang mga jeep sa Sorsogon dahil hindi 24 hours ang biyahe. Kung maiwan ka ng last trip ay sorry ka na lang dahil mag-aatay ka ng kinabukasan bago ka makauwi. Kaya sa Sorsogon, bawal mag- overtime!

Kung mapapansin mo, ang ibang pangalan ng mga lugar sa Sorsogon ay hango sa mga pangalang Kastila. Katulad na lamang ng Magallanes, Prieto Diaz, Barcelona, Pilar at Sta. Magdalena. Ito ay sa kadahilanang naabot ito noon ng mga banyagang kastila. Kaya naman kaming mga Bikolano ay may bahid ng lahing Kastila. (ehem!)

Mabalik ako. Ang Sorsogon din ay palaging dinadaanan ng mga bagyo. Kumbaga sa biyahe eh laging stop-over ang bayang ito ng mga bagyo. Pero kahit na ganoon, nananatiling maganda ang lugar na ito. Kumbaga, hinubog ng panahon. (naks!)

Kaya naman, kung gusto mong malayo nang bahagya sa gulo ng cuidad ay wag kana maghanap pa ng ibang lugar na mapupuntahan. Dumerecho kana ng Sorsogon! Kung magbubus ka, marami sa Araneta Center sa Cubao. Araw araw mayroong biyahe. At kung gusto mo naman, pwede ka rin mag-eroplano patungong Legazpi City. Pagdating ng Legazpi isang sakay na lang ng bus o di kaya’y van ay nasa Sorosogon ka na. Huwag na magpatumpik-tumpik pa, biyahe na!

It’s More Fun in Sorsogon! (smiley) 

4 comments: