Noong unang panahon, ang
pinakamagandang hayop sa kagubatan ay ang kapitbahay namin. (Joke lang) Ang
pinakamaganda noon ay ang Palaka. Kung bakit? Ewan ko gawa gawa ko lang.
Anyway, sa sobrang ganda ni
Palaka maraming nanliligaw sa kanya at araw araw ay nakapila ang mga masugid na
manliligaw niya. Isa na rito ay si Kambing.
Nang minsang dumalaw si Kambing
kay Palaka sinabi niya rito, “Palaka‘pag ako ang sinagot mo, lalaslasin ko ang
mabuhok kong dibdib para ialay sayo ang puso ko.”
“Talaga Kambing gagawin mo ‘yun
para sa akin?” “Weh!!??Eh maligo nga takot ka eh maglaslas pa!” Wika ni Palaka.
Nagtawanan lahat ng ibang hayop
na nakapila.
Napalunok ng laway si Kambing sa
kahihiyan at luhaang umuwi.
Ang sunod sa pila ay si Buwaya.
Wika ni Buwaya, “Kapag ako ang
sinagot mo binibini, aabutin ko mga bitwin at iaalay ko sayo, promise!”
“Talaga Buwaya gagawin mo yun?”
“Weh!!?Eh likod mo nga hindi mo makamot eh mga bitwin pa kaya??” Sabat ni
Palaka.
Naghagalpakan ang ibang hayop na
nakapila at muntik pa ngang malaglag ang pustiso ni Camel.
Sumunod sa pila si Pagong.
Pagbibida ni Pagong, “Kapag ako ang sinagot mo, lilibutin ko ang mundo para
sayo!”
“Di nga Pagong gagawin mo ‘yun eh sa bagal mong yan eh baka nabiyuda na ako ng tatlumpong milyong
ulit eh hindi kapa nakakabalik!”
Animo’y anihan ng bigas sa lakas
ng tawanan ng nalalabing hayop sa pila.
Padabog na umalis si Pagong sa
sobrang kahihiyan.
Pagkaalis ni Pagong, agad agad na
umeksena si Kabayo. Sabi niya, “Palaka, kapag ako ang pinili mong maging
kasintahan mo patitigilin ko ang pagbuhos ng ulan!”
“Hay naku Kabayo bago mo
patigilin ang pagbuhos ng ulan ay patigilin mo muna yang pagbuhos ng laway mo.
Kita mo oh isang sentence lang sinabi mo eh para na akong dinilaan ng tatlong
dinosaur!”
Naglupasay sa tawa ang ibang
nakapilang hayop at muntik pa ngang masinghot ng Hippopotamus ang Tamaraw sa
sobra nitong pagtawa.
Ang sumunod sa pila ay si Baboy.
Hindi masyado prepared si Baboy sa pagmamadaling mauna sa pila. Nakalimutan
niyang maligo man lang.
Pero binawi naman niya ito sa
style. Hindi tulad ng iba, may baong pick up line si Baboy. Hirit niya,
“Palaka, nitso ka ba ng tatay ko?” Sabay kindat.
“Ha??Bakit?” Pagtataka ni Palaka.
“Eh kasi lagi kitang gusto
dalawin eh!” Swabeng bitaw ni Baboy.
“Hmmm Baboy, yosi ka ba?” Balik
ni Palaka.
“Ha?Bakit? Dahil ba nakakaadik
ako?” Sabat ni Baboy.
“Hindi, kasi bawat langhap ko sa
amoy mo eh parang nakikitil ang buhay ko!” “Maligo ka nga!” Ang banat ni
Palaka.
Walang pakundangan ang tawa ng
mga hayop na nasa pila. Wari’y aatakihin ng pulmonya ang Kangaroo sa tindi ng
tawanan.
Sobrang nasaktan ang damdamin ni
Baboy sa tindi ng pagkakabasted ni Palaka sa kanya. Nang mga oras na iyon ay
gusto na niya utasin ang kanyang sariling buhay. By the way, ang ibig sabihin
ng utasin ay kitilin. Hiniram ko lang ang salitang yan sa isang matanda. Hmmm
pero hindi pa naman masyado katandaan :D
Mabalik tayo. Sa sobrang
pagdadalamhati ni Baboy, nangibang bayan siya upang tuluyang makapag move-on.
Ang huling balita nag-Japan na lang daw ito para magpakalayo-layo.
Sumunod na sumubok ng kanyang
kapalaran ay si Garapata. Wika niya, “’Pag ako ang inibig mo magandang dilag,
ang lahaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa*&^%^*#”.
Natahimik ang lahat. Aksidente
palang naapakan ng Elepante si Garapata. Daliang dumating ang mga paramedics
pero huli na ang lahat. Dead on the spot si Garapata.
Pagkatapos ng insidenteng iyon ay
nagsiuwian na ang lahat ng nasa pila. Wala na namang napili si Palaka kaya ganun
na lamang ang pagkabugnot niya. Masyadong pihikan si Palaka sa pagpili ng
kanyang magiging kasintahan. Sa sobrang dami ng gustong manligaw sa kanya ay
lumaki ang ulo niya. Naging mayabang siya at halos lahat ay nakakatikim ng
tindi ng kanyang panlalait.
Ang kagandahan ni Palaka ay
talaga namang nag-uumapaw. At ang kutis niya ay mala-Diyosa na gumagamit ng
Likas Papaya at Chinchansu na binili sa Ongpin. Kumbaga sa exam eh Perfect!
Sa dami ng nanliligaw ni Palaka
ay talaga namang nagkakaroon ng traffic. Box office kung maituturing sa dami.
At sa araw araw na pagdagsa ng animo’y mga deboto ng santo ay malahardin na ang
kanyang bahay. At sa dami ng nagreregalo sa kanya ng chocolate ay
mapagkakamalan mong Alice in Wonderland ang kanyang tirahan. Lahat ng brand ng
chocolate ay matatagpuan mo roon. Ferrero, Twix, Toblerone, Cadbury, Snickers,
Baby Ruth, Goya, Cloud9, Choey Choco, Chocnut, Hany, at maging La-La ay
makikita mo doon.
Isang araw, may umakyat ng ligaw
kay Palaka. Isang Oso na ubod ng pangit. Pingas ang isang tenga nito at ang mga
ngipin ay sagana sa tartar. Naglalagas din ang mga balahibo nito na wari’y
dumaan ng apat na session ng chemotherapy. Nangangamoy din siya na parang hindi
nadapuan ng tubig at safeguard ang kanyang katawan ng isang dekada. Ang hininga
nito ay parang isang dumpsite sa baho. Nanlilimahid din ang kanyang mga kamay
at paa. Ang dami rin niyang bukol sa katawan na parang Hundred Islands
(pasintabi lang sa mga kumakain).
Nang makita ito ni Palaka ay agad
siyang pinandirihan nito. Kulang na lang ay masuot si Palaka ng gas mask para
hindi lang maamoy ang Oso.
Hindi pa man nakakapagsalita ang
Oso ay agad nang nagsalita si Palaka, “Ano ang ginagawa mo rito? Ang mga
katulad mo ay hindi nabababagay sa ganitong lugar. Ang dapat sayo ay nasa isang
kweba at sinasarili mo na lamang ang taglay mong amoy!”
Hindi nakaimik ang Oso sa
kahihiyan. Naghagalpakan sa tawa ang ibang hayop na naroroon. Kung makatawa ang
Giraffe aakalain mong nanalo sa sungka.
Dagdag pa ni Palaka, “Oh ano pa
ang ginagawa mo rito? Hindi pa ba sapat ang kahihiyan na natanggap mo mula sa
akin at nakatanga ka pa riyan??”
“Kung inaakala mo na magkakagusto
ako sayo eh mangarap ka na lang!” Dagdag pa ni Palaka.
Napayuko na lamang sa kahihiyan
ang Oso.
“Ano pa ang hinihintay mo lumayas
kana!” Ang muling pagtataboy ni Palaka.
Tumingin ang Oso sa mata ni
Palaka at biglang sabi, “Palaka, pagsisisihan mo ang kabuktutan ng iyong
paguugali.”
Pagkatapos niyang sambitin ang
mga katagang iyon ay biglang nagbagong anyo ang Oso. Isang maputing Oso ang
tumambad sa kanilang harapan. Ang kninang nanlilimahid na nilalang, nagyon ay
mistulang kumikinang sa linis na parang nilabhan sa Tide at ibinabad sa Zonrox.
Natigilan ang lahat sa kanilang nakita. Muntik pa ngang ma-lock jaw ang Pato sa
sobrang pagkagilalas.
Isa pa lang engkantado ang Osong
iyon at malimit na sinusubaybayan ang mga kilos ni Palaka.
Panandaliang nawalan ng oxehino
si Palaka sa kanyang baga at di makapaniwala sa kanyang nakita. Nanginig siya
sa takot ngunit ang nginig niya ay may halo paring kaunting kalandian dahil nga
isa pa lang nakapagwapong engkantado ang Oso. (joke lang)
Wika ng Oso, “Dahil sa iyong
kapalaluan ay paparusahan kita nang pang habambuhay! Gagawin kitang isang
pangit na nilalang na ni sino man ay hindi iibig sayo.”
Natahimik ang lahat ng
kalalakihang hayop na naroon. Naihi pa nga sa salawal ang Hippocampus Syngnathidae.
ayiiieee nag-search siya sa google! hahaha!
Mabalik tayo. Pagtapos na
sambitin ng Oso ang mga katagang iyon ay biglang nagliwanag sa buong lugar.
Lumamig ang hangin. Buti na lang at naka-hoody jacket ang Butanding ng mga
panahong iyon. (Yes, nag-imagine siya ng Butanding na naka-hoody! Haha!)
Anyways, animo’y nabulag ang
lahat sa liwanag. Nang pumayapa ang buong paligid at na naparam ang matinding
liwanag, buong pagtataka nila na wala na roon ang Oso at si Palaka.
Nanghilakbot ang lahat sa
kanilang nasaksihan. Ngunit bago sila magpulasan ay napansin nila ang isang
hayop na noon lang nila nakita. Isang maliit na nilalang na may apat ang paa.
Nakasayad ang tiyan sa lupa. Malaki ang bibig at puro bukol ang likod. Kulay
lupa ang kulay nito at ang balat ay kasing gaspang ng ugali ni Palaka. Doon
nila napagtatanto na ang nasa harapan nila ay ang dating si Palaka na ubod ng
ganda.
Walang sabi sabi ay nagsiuwian
ang mga manliligaw ni Palaka at mistula siyang pinandirihan ng mga ito.
Tumulo ang luha ni Palaka at
nagmamakaawa sa Oso. Pero mula ng araw na iyon ay hindi na muling nakita ang
mahiwagang nilalang. Sagad to the bones ang pagsisisi ni Palaka. At sa
pagkakataon iyon ay gusto na niyang utasin (peram ulit ng salitang ito ha?) ang
kanyang buhay.
Namuhay nang malungkot ang Palaka
sa mahabang panahon. Ngunit nang lumaon ay natanggap na rin niya ang kanyang
kapalaran at kanya nang pinagsisihan ang mga kasalanan.
Para sa mga bata, ang kwentong
ito ay kathang isip lamang ng may akda. Maaaring komedya ang pagkakalahad
ngunit isang makabuluhang aral ang inyong mapupulot. Ang bawat nilalang ay may
angking buhay na dapat irespeto anu man ang kanyang kalagayan, hitsura at
estado sa buhay. Mahalagang malaman natin na ang paghusga sa kapwa ay isang
malaking kasalanan sa Diyos. Kaya sa susunod na makakakita ka ng mga kagaya ng
pangit na Oso at Palaka ay wag mo silang husgahan bagkus ay tignan mo ang
kabutihang taglay ng kanilang mga puso.
Para naman sa mga matatanda,
matulog na kayo kailangan niyo ng lakas.
And they lived happily ever
after. Good night kids! ;)
ANG LUFET!!!!
ReplyDeleteNagising ang mga kasalukuyang natutulog na mga renter namin, dahil sa lakas ng kagikhik ko dahil sa pagpigil ng tawa ko!
KUDOS!
Ang naiisip ko sa hippocampi ang isang ancient magical animal c/o Percy Jackson and the Olympians.
Nagsi-search lang ako tungkol sa assignment ko at ito ang kauna-unahang lumabas. Akala ko'y kung ano kababalaghang istorya ito. Ngunit, ako pala'y magugulat.
ReplyDeleteMUAHAHAHAHA! Laughtrip w/ lesson. Like!~
haha! Thanks for the laughs Jam. Please continue reading my other blogs ;)
ReplyDelete