Thursday, May 10, 2012

ANG EKSAHERADONG ALAMAT NG PALAKA


Noong unang panahon, ang pinakamagandang hayop sa kagubatan ay ang kapitbahay namin. (Joke lang) Ang pinakamaganda noon ay ang Palaka. Kung bakit? Ewan ko gawa gawa ko lang.

Anyway, sa sobrang ganda ni Palaka maraming nanliligaw sa kanya at araw araw ay nakapila ang mga masugid na manliligaw niya. Isa na rito ay si Kambing.

Nang minsang dumalaw si Kambing kay Palaka sinabi niya rito, “Palaka‘pag ako ang sinagot mo, lalaslasin ko ang mabuhok kong dibdib para ialay sayo ang puso ko.”

“Talaga Kambing gagawin mo ‘yun para sa akin?” “Weh!!??Eh maligo nga takot ka eh maglaslas pa!” Wika ni Palaka.

Nagtawanan lahat ng ibang hayop na nakapila.

Napalunok ng laway si Kambing sa kahihiyan at luhaang umuwi.

Ang sunod sa pila ay si Buwaya.

Wika ni Buwaya, “Kapag ako ang sinagot mo binibini, aabutin ko mga bitwin at iaalay ko sayo, promise!”

“Talaga Buwaya gagawin mo yun?” “Weh!!?Eh likod mo nga hindi mo makamot eh mga bitwin pa kaya??” Sabat ni Palaka.

Naghagalpakan ang ibang hayop na nakapila at muntik pa ngang malaglag ang pustiso ni Camel.

Sumunod sa pila si Pagong. Pagbibida ni Pagong, “Kapag ako ang sinagot mo, lilibutin ko ang mundo para sayo!”

“Di nga Pagong gagawin mo ‘yun eh sa bagal mong yan eh baka nabiyuda na ako ng tatlumpong milyong ulit eh hindi kapa nakakabalik!”

Animo’y anihan ng bigas sa lakas ng tawanan ng nalalabing hayop sa pila.

Padabog na umalis si Pagong sa sobrang kahihiyan.

Pagkaalis ni Pagong, agad agad na umeksena si Kabayo. Sabi niya, “Palaka, kapag ako ang pinili mong maging kasintahan mo patitigilin ko ang pagbuhos ng ulan!”

“Hay naku Kabayo bago mo patigilin ang pagbuhos ng ulan ay patigilin mo muna yang pagbuhos ng laway mo. Kita mo oh isang sentence lang sinabi mo eh para na akong dinilaan ng tatlong dinosaur!”

Naglupasay sa tawa ang ibang nakapilang hayop at muntik pa ngang masinghot ng Hippopotamus ang Tamaraw sa sobra nitong pagtawa.

Ang sumunod sa pila ay si Baboy. Hindi masyado prepared si Baboy sa pagmamadaling mauna sa pila. Nakalimutan niyang maligo man lang.

Pero binawi naman niya ito sa style. Hindi tulad ng iba, may baong pick up line si Baboy. Hirit niya, “Palaka, nitso ka ba ng tatay ko?” Sabay kindat.

“Ha??Bakit?” Pagtataka ni Palaka.

“Eh kasi lagi kitang gusto dalawin eh!” Swabeng bitaw ni Baboy.

“Hmmm Baboy, yosi ka ba?” Balik ni Palaka.

“Ha?Bakit? Dahil ba nakakaadik ako?” Sabat ni Baboy.

“Hindi, kasi bawat langhap ko sa amoy mo eh parang nakikitil ang buhay ko!” “Maligo ka nga!” Ang banat ni Palaka.

Walang pakundangan ang tawa ng mga hayop na nasa pila. Wari’y aatakihin ng pulmonya ang Kangaroo sa tindi ng tawanan.

Sobrang nasaktan ang damdamin ni Baboy sa tindi ng pagkakabasted ni Palaka sa kanya. Nang mga oras na iyon ay gusto na niya utasin ang kanyang sariling buhay. By the way, ang ibig sabihin ng utasin ay kitilin. Hiniram ko lang ang salitang yan sa isang matanda. Hmmm pero hindi pa naman masyado katandaan :D

Mabalik tayo. Sa sobrang pagdadalamhati ni Baboy, nangibang bayan siya upang tuluyang makapag move-on. Ang huling balita nag-Japan na lang daw ito para magpakalayo-layo.

Sumunod na sumubok ng kanyang kapalaran ay si Garapata. Wika niya, “’Pag ako ang inibig mo magandang dilag, ang lahaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa*&^%^*#”.

Natahimik ang lahat. Aksidente palang naapakan ng Elepante si Garapata. Daliang dumating ang mga paramedics pero huli na ang lahat. Dead on the spot si Garapata.

Pagkatapos ng insidenteng iyon ay nagsiuwian na ang lahat ng nasa pila. Wala na namang napili si Palaka kaya ganun na lamang ang pagkabugnot niya. Masyadong pihikan si Palaka sa pagpili ng kanyang magiging kasintahan. Sa sobrang dami ng gustong manligaw sa kanya ay lumaki ang ulo niya. Naging mayabang siya at halos lahat ay nakakatikim ng tindi ng kanyang panlalait.

Ang kagandahan ni Palaka ay talaga namang nag-uumapaw. At ang kutis niya ay mala-Diyosa na gumagamit ng Likas Papaya at Chinchansu na binili sa Ongpin. Kumbaga sa exam eh Perfect!

Sa dami ng nanliligaw ni Palaka ay talaga namang nagkakaroon ng traffic. Box office kung maituturing sa dami. At sa araw araw na pagdagsa ng animo’y mga deboto ng santo ay malahardin na ang kanyang bahay. At sa dami ng nagreregalo sa kanya ng chocolate ay mapagkakamalan mong Alice in Wonderland ang kanyang tirahan. Lahat ng brand ng chocolate ay matatagpuan mo roon. Ferrero, Twix, Toblerone, Cadbury, Snickers, Baby Ruth, Goya, Cloud9, Choey Choco, Chocnut, Hany, at maging La-La ay makikita mo doon.

Isang araw, may umakyat ng ligaw kay Palaka. Isang Oso na ubod ng pangit. Pingas ang isang tenga nito at ang mga ngipin ay sagana sa tartar. Naglalagas din ang mga balahibo nito na wari’y dumaan ng apat na session ng chemotherapy. Nangangamoy din siya na parang hindi nadapuan ng tubig at safeguard ang kanyang katawan ng isang dekada. Ang hininga nito ay parang isang dumpsite sa baho. Nanlilimahid din ang kanyang mga kamay at paa. Ang dami rin niyang bukol sa katawan na parang Hundred Islands (pasintabi lang sa mga kumakain).

Nang makita ito ni Palaka ay agad siyang pinandirihan nito. Kulang na lang ay masuot si Palaka ng gas mask para hindi lang maamoy ang Oso.

Hindi pa man nakakapagsalita ang Oso ay agad nang nagsalita si Palaka, “Ano ang ginagawa mo rito? Ang mga katulad mo ay hindi nabababagay sa ganitong lugar. Ang dapat sayo ay nasa isang kweba at sinasarili mo na lamang ang taglay mong amoy!”

Hindi nakaimik ang Oso sa kahihiyan. Naghagalpakan sa tawa ang ibang hayop na naroroon. Kung makatawa ang Giraffe aakalain mong nanalo sa sungka.

Dagdag pa ni Palaka, “Oh ano pa ang ginagawa mo rito? Hindi pa ba sapat ang kahihiyan na natanggap mo mula sa akin at nakatanga ka pa riyan??”

“Kung inaakala mo na magkakagusto ako sayo eh mangarap ka na lang!” Dagdag pa ni Palaka.

Napayuko na lamang sa kahihiyan ang Oso.

“Ano pa ang hinihintay mo lumayas kana!” Ang muling pagtataboy ni Palaka.

Tumingin ang Oso sa mata ni Palaka at biglang sabi, “Palaka, pagsisisihan mo ang kabuktutan ng iyong paguugali.”

Pagkatapos niyang sambitin ang mga katagang iyon ay biglang nagbagong anyo ang Oso. Isang maputing Oso ang tumambad sa kanilang harapan. Ang kninang nanlilimahid na nilalang, nagyon ay mistulang kumikinang sa linis na parang nilabhan sa Tide at ibinabad sa Zonrox. Natigilan ang lahat sa kanilang nakita. Muntik pa ngang ma-lock jaw ang Pato sa sobrang pagkagilalas.

Isa pa lang engkantado ang Osong iyon at malimit na sinusubaybayan ang mga kilos ni Palaka.

Panandaliang nawalan ng oxehino si Palaka sa kanyang baga at di makapaniwala sa kanyang nakita. Nanginig siya sa takot ngunit ang nginig niya ay may halo paring kaunting kalandian dahil nga isa pa lang nakapagwapong engkantado ang Oso. (joke lang)

Wika ng Oso, “Dahil sa iyong kapalaluan ay paparusahan kita nang pang habambuhay! Gagawin kitang isang pangit na nilalang na ni sino man ay hindi iibig sayo.”

Natahimik ang lahat ng kalalakihang hayop na naroon. Naihi pa nga sa salawal ang Hippocampus Syngnathidae.















































ayiiieee nag-search siya sa google! hahaha!

Mabalik tayo. Pagtapos na sambitin ng Oso ang mga katagang iyon ay biglang nagliwanag sa buong lugar. Lumamig ang hangin. Buti na lang at naka-hoody jacket ang Butanding ng mga panahong iyon. (Yes, nag-imagine siya ng Butanding na naka-hoody! Haha!)

Anyways, animo’y nabulag ang lahat sa liwanag. Nang pumayapa ang buong paligid at na naparam ang matinding liwanag, buong pagtataka nila na wala na roon ang Oso at si Palaka.

Nanghilakbot ang lahat sa kanilang nasaksihan. Ngunit bago sila magpulasan ay napansin nila ang isang hayop na noon lang nila nakita. Isang maliit na nilalang na may apat ang paa. Nakasayad ang tiyan sa lupa. Malaki ang bibig at puro bukol ang likod. Kulay lupa ang kulay nito at ang balat ay kasing gaspang ng ugali ni Palaka. Doon nila napagtatanto na ang nasa harapan nila ay ang dating si Palaka na ubod ng ganda.

Walang sabi sabi ay nagsiuwian ang mga manliligaw ni Palaka at mistula siyang pinandirihan ng mga ito.

Tumulo ang luha ni Palaka at nagmamakaawa sa Oso. Pero mula ng araw na iyon ay hindi na muling nakita ang mahiwagang nilalang. Sagad to the bones ang pagsisisi ni Palaka. At sa pagkakataon iyon ay gusto na niyang utasin (peram ulit ng salitang ito ha?) ang kanyang buhay.

Namuhay nang malungkot ang Palaka sa mahabang panahon. Ngunit nang lumaon ay natanggap na rin niya ang kanyang kapalaran at kanya nang pinagsisihan ang mga kasalanan.


Para sa mga bata, ang kwentong ito ay kathang isip lamang ng may akda. Maaaring komedya ang pagkakalahad ngunit isang makabuluhang aral ang inyong mapupulot. Ang bawat nilalang ay may angking buhay na dapat irespeto anu man ang kanyang kalagayan, hitsura at estado sa buhay. Mahalagang malaman natin na ang paghusga sa kapwa ay isang malaking kasalanan sa Diyos. Kaya sa susunod na makakakita ka ng mga kagaya ng pangit na Oso at Palaka ay wag mo silang husgahan bagkus ay tignan mo ang kabutihang taglay ng kanilang mga puso.

Para naman sa mga matatanda, matulog na kayo kailangan niyo ng lakas.




And they lived happily ever after. Good night kids! ;)

3 comments:

  1. ANG LUFET!!!!

    Nagising ang mga kasalukuyang natutulog na mga renter namin, dahil sa lakas ng kagikhik ko dahil sa pagpigil ng tawa ko!

    KUDOS!

    Ang naiisip ko sa hippocampi ang isang ancient magical animal c/o Percy Jackson and the Olympians.

    ReplyDelete
  2. Nagsi-search lang ako tungkol sa assignment ko at ito ang kauna-unahang lumabas. Akala ko'y kung ano kababalaghang istorya ito. Ngunit, ako pala'y magugulat.

    MUAHAHAHAHA! Laughtrip w/ lesson. Like!~

    ReplyDelete
  3. haha! Thanks for the laughs Jam. Please continue reading my other blogs ;)

    ReplyDelete